MENTAL NA EPEKTO NG STRESS SA MGA MAG-AARAL

Karamihan sa mga mag-aaral ay nakararanas ng matinding epekto ng stress dahil sa pagbabalanse ng mga gawain ngayong pandemya. 


ANO NGA BA ANG SANHI NG STRESS NG MGA MAG-AARAL?

1.    Labis na pag-aalala sa kinabukasan

Karamihan sa mga mag-aaral ang nag-aalala sa kanilang kinabukasan, dahil sa labis na pag-aalala ay nakararanas sila ng stress. Hindi maiiwasan ang pag-aalala sa mga mag-aaral sapagkat importante sa kanila ang magandang kinabukasan.

2. Naapektuhan ng kumpiyansa sa sarili ang pang-araw-araw na buhay

Maraming nakaaapekto sa kumpiyansa sa sarili ng isang mag-aaral, iilan na rito ang kanilang grado, pisikal na katangian, at sosyal na pamumuhay. Dahil minsan kinukumpara ng isang tao ang kaniyang sarili sa iba, mas bumababa ang kaniyang kumpiyansa sa sarili.

3. Relasyon sa tao

Nakaaapekto ang relasyon sa tao sa pakikisalamuha sa iba ng mga mag-aaral. Nang magsimula ang pandemya, nalimitahan ang pagkikita-kita ng mga mag-aaral at dahil dito maraming mga mag-aaral ang nakaranas ng hirap sa pag-komunika at ito ay nagdulot ng stress sa kanila.

4. Nahihirapang ibalanse ang gawain sa paaralan at tahanan

Dahil sa dami ng gawain sa paaralan at tahanan, nakararanas ng stress ang mga mag-aaral sapagkat nahihirapan silang ibalanse ito. 

5. Nahihirapan sa pamumuhay dahil sa kakulangang pampinansyal

Ang ilang mag aaral ay nakararanas ng stress sapagkat sila ay nahihirapan sa pamumuhay dala ng kakulangan sa salapi. Hindi mabili ng mga mag-aaral ang mga bagay na gusto at kailangan nila. Ang ibang mag-aaral naman ay nahihirapang mamuhay at kailangan pang magtrabaho upang makapagtapos sa kanilang pag-aaral.


MENTAL NA EPEKTO NG STRESS SA MGA MAG-AARAL

1. Burnout

Nakararanas ng burnout ang mga mag-aaral dahil sa dami ng gawain. Madalas itong nangyayari sa mag-aaral kapag nagsasabay ang kanilang mga gawain sa paaralan at tahanan.

2. Pagsakit ng ulo

Nang magsimula ang online class, ang pinakanararanasan ng mga mag-aaral ay ang pagsakit ng ulo. Dahil sa pagsasabay ng mga gawain, mas napadalas ang pagsakit ng ulo ng mga mag-aaral.

3. Nahihirapang matulog

Nahihirapang matulog ang mga mag-aaral dahil sa pag-aalala sa kanilang mga gawain. 

4. Masyadong nag-iisip

Nakararanas ng stress ang mga mag-aaral kapag masyado nilang iniisip ang kanilang mga gawain. Nang magsimula ang online class, sa tuwing may ipinapagawa ang mga guro, ito ang pangunahing nararamdaman ng mga mag-aaral. 

5. Naiinis at naiirita dahil hindi alam ang unang gagawin

Dahil sa pagsasabay ng mga gawain sa paaralan at tahanan, maraming mag-aaral ang nakararanas ng pagkalito sa kung ano ang kanilang unang gagawin. Ito ay nagdudulot ng pagkainis at pagkairita sa kanila.


MGA PARAAN UPANG MABAWASAN ANG STRESS

1. Gawin ang mga ninanais na bagay kasama ang mga kaibigan

Maglaan ng oras para gawin ang mga bagay kasama ang iyong mga kaibigan. Nababawasan nito ang stress na iyong nararamdaman dahil ikaw ay nagkakaroon muli ng pakikisalamuha sa ibang tao. 

2.    Manood o maglaro

Paminsan-minsan maganda rin na manood at maglaro dahil mababawasan nito ang stress na iyong nararamdaman. Sa paggawa nito, maari mong pansamantalang makalimutan ang mga gawain na nagdudulot sa iyo ng stress. 

3.   Makipag-usap sa kaibigan

Maaari kang makipag-usap sa iyong mga kaibigan upang mabawasan ang stress na iyong dinadala. Maaari kang maglabas ng iyong mga saloobin at problema sa iyong mga kaibigan. 

4.    Makinig sa musika

Natagpuan ng mga eksperto na ang pakikinig sa musika ay nakabababa ng antas ng stress. Napakakalma ng musika ang ating sarili at napagagaan ang loob.

5.    Mag-ehersisyo

Ugaliin mo ang pag-eehersisyo. Naglalabas ng endorphins ang katawan kapag pinagpapawisan mula sa pag-eehersisyo. Ang endorphins ay makapagbibigay sa iyo ng magaan at masayang pakiramdam.


MGA REKOMENDASYON SA IBA

MAGULANG

Bilang magulang, maaari silang maglaan ng sapat na oras upang makausap ang kanilang mga anak. Sa pamamagitan nito, makapaglalabas ng saloobin ang kanilang mga anak at mapagagaan nito ang stress na nararanasan ng mga mag-aaral. Magkakaroon din sila ng mas mabuting relasyon at makatutulong ang kanilang pagpapayo sa kanilang mga anak. 

GURO

Ang mga guro ay maaaring makipag-ugnayan sa kanilang kapwa guro upang maiwasan na magsabay-sabay ang mga gawain na kanilang ipinapagawa sa mga mag-aaral. Maaari silang gumawa ng isang to-do list kung saan parehong nakikita ng mga guro at mga mag-aaral ang mga gawain na kinakailangang gawin sa isang araw. Maari din na ibigay ang mga gawain batay sa iskedyul ng asignatura upang maiwasan ang pagsasabay-sabay ng mga ito. Makatutulong din kung maibibigay ang mga gawain habang maaga pa at linawin ang tinakdang deadline upang magawa ng mga mag-aaral sa kanilang bakanteng oras ang mga aktibidad.

 PAARALAN

Magsagawa ng mga pagpapayo o counseling sa mga mag-aaral tungkol sa tamang pagbabalanse ng mga gawain. Maari din silang gumawa ng aktibidad tulad ng clubs upang magkaroon ang mga mag-aaral ng oras na makipag-ugnayan sa kapwa nila mag-aaral. 

Contact Us

UnangPangkat11F@gmail.com

A WordPress.com website.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started